WASHINGTON (AFP) - Napatay sa pag-atake ng isang F-15 fighter jet ang pinuno ng Islamic State (IS) sa Libya, sinabi ng Pentagon kahapon, sa isa pang matagumpay na pagsalakay ng Amerika kasunod ng pagpuntirya sa most wanted terrorist na si “Jihadi John”.
Inilabas ang pahayag matapos akuin ng IS ang serye ng pag-atake sa Paris nitong Biyernes, na ikinamatay ng 129 na katao, bagamat agad na nilinaw ng Pentagon na walang kinalaman ang dalawang pangyayari.
Si Abu Nabil, na kilala rin bilang Wissam Najm Abd Zayd al-Zubaydi, ang pinakamataas na leader ng IS sa Libya at pinaniniwalaang nagsasalita sa nakakikilabot na video ng pagpatay sa mga Coptic Christian, ayon kay Pentagon spokesman Peter Cook.