Palyado ang mga palaso ng Pilipinas matapos na mabigo ang mga national archer na makasungkit ng isang silya sa 2016 Rio De Janeiro Olympics sa pagtatapos sa Linggo ng gabi ng Asian Continental Qualifier na ginanap sa Bangkok, Thailand.

Ang Youth Olympic Games mixed doubles champion na si Gabriel Moreno ay nagkasya lamang sa quarterfinals ng men’s recurve matapos mabigo muli sa tumalo dito sa Asian Championship na si Sultan Duzelbayev ng Kazakhstan sa iskor na 4-6.

Una munang nagtala ang 17-anyos at 5th seed na si Moreno para sa Pilipinas ng 10-8-9 puntos upang ungusan ang 25-anyos na 4th seed na Kazakhs, 29-28, para sa maagang 2-0 bentahe sa set-point scoring system.

Parehas na umiskor ng 29 ang dalawa sa second set bago na lamang kinapos si Moreno sa sumunod na set mula sa pagpatama ng 6 at 7 kumpara sa 10 at 9 ni Duzelvayev na nagawa naman na iuwi ang tansong medalya at isang silya sa 53-kataong torneo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Aasa naman si Moreno na huling makaagaw ng silya sa 2016 Olympics sa gaganapin na final Qualifier sa Hunyo sa Antalya, Turkey.

Ang beterano na si Florante Matan (10th seed) ay nagwagi sa 1/16th match kontra 42nd seed Nguyen Van Duy ng Vietnam, 9-8, sa shootoff subalit nabigo din sa 7th seed na si Saideyev ng Kazakhstan, 2-6, sa 1/8th round.

Ang baguhang si Atanacio Pellicer (45th seed) ay nabigo din kay 20th seed Hoang Van Loc ng Vietnam, 0-6.

Kapwa nabigo din sa 40-woman division ang London Olympian at 10th seed na si Rachelle Dela Cruz sa tinanghal na SEA Games silver medalist na si Loc Thi Dao ng Vietnam, 4-6.

Ang isa pang baguhan na si Mary Queen Ybanez, na tinalo ang kakampit at World Cup 9th placer Kareel Hongitan, 9-8 sa shoot-off, ay nabigo sa top seed at naging gold medalist Kabng Un Ju ng North Korea, 3-7, sa 1/8th round.

Ang mga nagwagi na nakasungkit ng silya sa 2016 Rio Olympics ay sina Anuar Mohamad ng Malaysia, Gantugs Jantsan ng Mongolia at Duzelbayev ng Kazkahstan sa men’s division at Sibna Kang ng North Korea, Nemati Zarah ng Iran at Liza Saideyeva sa women’s side. (ANGIE OREDO)