Iniuwi ng Davaoeño na si Sonny Wagdos ang kanyang men’s back-to-back regional title habang three-straight crown naman ang Davaoeña na si Judelyn Miranda sa ginanap na Davao City half-marathon qualifying leg ng 39th National Milo Marathon nitong Linggo ng umaga.
Kumpara sa women’s counterpart na defending marathon queen na si Mary Joy Tabal na hinabol pa ang P10,000 top prize nang humarurot sa General Santos City leg noong Oktubre 18 kahit seeded na national finals, naki-practice na lamang si NMM finals men’s champion Rafael Poliquit sa 4-in-1 roadrace na sinalihan ng 8,500 runner.
Itinala ni Wagdos, 21-anyos at University of Mindanao 4th -year student, sa 21k run ang isang oras, 15 minuto at 25 segundo sa pagprimera at paglagak sa segunda-tersera kina Michael Achalico (1:15:56) at Manny Marfil (1:19:34).
Umarangkada naman si Miranda, 30, at tubong Tagum City ng 1:32:57 clocking sa pagdaig kina Madelyn Carter (1:48:19) at Hazelvic Villanueva (1:52:07).
Nagsubi sina Wagdos at Miranda ng P10,000 cash, nag-uwi ng trophies at makikipagbakbakan sa iba pang elite runners sa NMM finals sa Disyembre 6 sa Angeles City para sa premyong tig-P300,000 sa Open at tig-P150,000 sa Locals bukod pa sa dalawang slot para sa magiging pambato ng bansa sa 120th Boston Marathon sa Abril 18, 2016 mula sa Hopkinton Town pa-Boston City sa Massachusetts, USA.
Dalawang eliminations na lang ang mga nalalabi sa Butuan City sa Nobyembre 15 at sa Cagayan de Oro City sa Nobyembre. 22 bago mag-finals. (ANGIE OREDO)