Nalusutan ng Alaska ang ginawang paghahabol ng Mahindra, 98-94, kahapon ng madaling araw upang makamit ang ikalawang sunod na panalo sa Al-Wasi Stadium sa Dubai, United Arab Emirates para sa pagpapatuloy ng 2016 PBA Philippine Cup.
Nalagay pa sa alanganin ang Aces makaraang humabol ng Enforcers mula sa siyam na puntos na pagkakaiwan sa huling apat na minuto ng laro.
Ang playmaker na si LA Revilla ang nanguna sa paghabol ng Mahindra at napanatili nitong dikit ang laro matapos isalansan ang 7 sa kanyang game- high na 19-puntos sa huling 19 na segundo
Umiskor si Vic Manuel ng 17-puntos at 9 rebounds habang nagdagdag naman si Calvin Abueva ng 15-puntos at 13 rebounds upang pangunahan ang nasabing panalo ng Aces.
Ngunit ang mga krusyal na freethrows nina Jayvee Casio at Cyrus Baguio ang nag-angat sa koponan sa final stretch.
Ang kabiguan ang ikatlong sunod ng Enforcers at ikalawang dikit nilang pagkabigo kasunod ng kanilang 101-97 kabiguan sa kamay ng Talk ‘N Text.
Muli namang nagtala ng impresibong performance ang rookie na si Bradwyn Guinto para sa Enforcers matapos nitong kumaldag ng 19 rebounds, ang pinakamaraming naitala ng isang baguhan kasunod ni Junemar Fajardo, dalawang taon na ang nakakaraan.
Samantala halos kasunod ng paglabas ng isyu ng dyaryong ito ay muling sasalang ang Aces doon sa Dubai kontra naman sa Barangay Ginebra. (Marivic Awitan)