Isang 40-anyos na lalaki ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang kalaro sa pusoy na nairita sa pang-aalaska niya habang natatalo ang huli sa isang lamay sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Mark Anthony Allermo ng Barangay Pansol, Quezon City.

Idineklarang dead on arrival si Allermo sa Ospital ng Makati dahil sa tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Lumitaw sa imbestigasyon na naglalaro ng pusoy si Allermo kasama ng hindi pa kilalang suspek at dalawang iba pa sa burol ng isang bata sa Maya Street, Barangay Rizal, nang biglang napikon ang salarin sa pangungutya ng biktima.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Base sa testimonya ng iba pang kalaro ng dalawa, malaki na ang natatalo ng suspek kaya nagpantig ang tainga nito sa umano’y pang-aalaska ni Allermo kaya dali-dali itong umalis sa burol.

Sa pagbalik sa lugar ay may bitbit ng .9mm pistol ang suspek na ilang beses na ipinutok kay Allermo.

Tumakas ang suspek sakay ng isang motorsiklo, ayon sa mga saksi. (Rachel Joyce E. Burce)