Kinansela ng Sandiganbayan ang pre-trial ni Optical Media Board (OMB) Chairman Ronnie Ricketts at apat nitong kasamahang akusado sa kasong graft kaugnay ng pagre-release ng mga ebidensiya na tone-toneladang pirated digital video discs (DVDs) na nasamsam sa isang raid sa Maynila noong Mayo 27, 2010.

Ayon kay Fourth Division Chairman Associate Justice Jose Hernandez, layunin ng pagpapaliban ng pre-trial na mabigyan ng sapat na panahon ang mga akusado upang maayos ang paghaharap ng kanilang ebidensiya sa mismong paglilitis sa kaso.

Paliwanag ni Hernandez, hindi pa maayos ang pagmamarka ng ebidensiya ng panig ng mga akusado kaya kaagad nitong kinansela ang trial at itinakda ito sa Nobyembre 26, 2015.

Iniutos din ng korte sa mga abogado ng depensa na tukuyin kung sino sa kanilang mga kliyente ang mauunang magsumite ng kanilang counter-evidence sa hukuman.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“The evidence of the defense must be marked based on the order of its presentation during the trial proper,” sabi ng korte.

Matatandaang kinasuhan sina Ricketts, OMB Executive Director Cyrus Paul Valenzuela, OMB Enforcement and Inspection Division (EID) Chief Manuel Mangubat, EID Investigation Agent Joseph Arnaldo at EID computer operator Glenn Perez kaugnay ng kanilang pagkakadawit sa pagre-release ng mga DVD at video compact disc (VCD) sa kumpanyang Sky High Marketing Corporation na may-ari nito. (Rommel P. Tabbad)