Sinimulan na ang inspeksiyon na ikinasa ng Department of Trade and Industry (DTI) laban sa overpriced na bottled water sa mga bus terminal sa Metro Manila.
Mag-iikot ang mga opisyal ng DTI sa mga bus terminal sa Quezon City, gayundin sa Maynila at Pasay matapos makatanggap ng mga report at reklamo ng mga pasahero sa mas mataas na presyo ng bottled water dito.
Natuklasan na overpriced o napakataas ng presyo ng mga bottled water na ibinebenta sa mga pasahero, kahit pa saklaw ito ng suggested retail price (SRP) ng DTI, dahil kabilang ito sa mga pangunahing bilihin.
Tiniyak ng DTI na kasabay ng kanilang pag-iikot ang pagpapaskil ng poster ng SRP ng bottled water sa mga bus terminal sa Metro Manila upang maging gabay ng publiko sa pagbili sa inuming tubig.
Inaasahang dadagsa ngayong linggo ang mga biyaherong magsisiuwian sa kani-kanilang probinsiya upang doon gunitain ang Undas.
Samantala, mahigpit din ang pagbabantay ng DTI sa presyo at supply ng mga kandila, na saklaw din ng SRP na itinakda ng kagawaran.