Mga laro ngayon

MOA Arena

2 p.m. San Beda vs. Arellano (jrs)

4 p.m. San Beda vs. Letran (srs)

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Sino ang mananalo, Animo o Arriba? San Beda o Letran?

Sa ikatlo at deciding game ngayong araw na ito (Huwebes) ay muling maghaharap ang San Beda Red Lions na hahabulin ang kanilang six-straight NCAA men’s basketball crown habang tutuldukan naman ng Letran Knights ang 10-taon nilang “title drought.”

Magtagumpay kaya ang Red Lions na maitala ang makasaysayang 6-peat o mahadlangan ito ng Knights na naghahangad na tapusin na ang sampung taong pagkauhaw sa titulo?

Ngayong hapon ay magaganap na ang deciding game at tutuldukan na ang mga katanungan sa paghaharap ng mahigpit na magkaribal sa do-or-die Game Three ng final series sa NCAA Season 91 basketball tournament na gaganapin sa MOA Arena, sa Pasay City.

Matapos mabigo sa Knights noong Game One, 90-94, bumalikwas ang Red Lions at itinabla ang serye noong Game Two sa pamamagitan ng 68-61 na panalo.

Nagtala ng 12 puntos ang Mythical Team member na si Art de la Cruz habang nagpakita naman ng kanyang best game ngayong season si Jayvee Mocon na nag-ambag ng 13 puntos upang makabalikat nina Nigerian center Ola Adeogun at ace guard Baser Amer sa kanilang misyon na isagad ang serye sa Game Three.

“We said it has to start from each person that you have to embrace your responsibility and do not allow to get beat. I hope we maintain that on Thursday,”pahayag ni San Beda coach Jamike Jarin.

Kung sakali, itutuloy lamang ni Jarin ang nasimulang limang sunod na kampeonato ng mga sinundang sina coach Frankie Lim na siyang nagwagi ng unang tatlo at hinalinhang si coach Boyet Fernandez na siya namang nagwagi ng huling dalawa para sa San Beda.

Gaya ng mga nauna nilang pagtutuos, inaasahan na dadaan muli sa butas ng karayom ang Red Lions para matupad ang kanilang ambisyon na maging kauna-unahang koponan sa liga na makapag-uwi ng anim na sunod na titulo sa men’s basketball.

Ito’y dahil tiyak na hindi nila basta-basta matitinag ang Letran.

Katunayan, kahit na natalo noong Game Two, positibo at malaki ang tiwala ni coach Aldin Ayo na malaki pa rin ang tsansa nila sa titulo.

“It’s not they defended well, it’s just that we are not making our shots,” ani Ayo na pinagbasehan ang statistics ng nasabing laro kung saan marami silang naimintis na attempts na pinatunayan ng kanilang mababang 29 percent na field goal shooting kumpara sa 56 percent ng Red Lions na higit namang mas marami ang nagawa ng turnovers na umabot ng mahigit 30 kumpara sa itinala nilang 11.

“It’s just one of those days,” ani Ayo na tinutukoy ang isa sa kanilang ace gunner na si Rey Nambatac na nabigong makaiskor kahit isang basket sa nasabing laro.

Dahil dito, inaasahang babawi si Nambatac ngayong Game Three upang muling mabuo ang 1-2-3 punch ng Knights kasama sina Mark Cruz at Kevin Racal na inaasahan naming suSuportahan nina McJour Luib at Jomari Sollano.

Mauuna rito, tatangkain naman ng Arellano na panatiliing buhay ang tsansa nilang makopo ang titulo sa muli nilang pagtutuos ng defending champion San Beda sa juniors division ganap na ika-2 ng hapon.

Dalawang panalo pa ang kailangan ng Braves kasunod ng itinala nitong panalo noong Game Two para maagaw sa reigning 6-peat titlist Red Cubs ang titulo dahil sa bentahe ng mga itong thrice-to-beat matapos walisin ang nakaraang eliminations.