Nakisalo ang AMA University sa ikalawang posisyon kasama ang Keramix makaraang ungusan ang Tanduay Light, 76-74, kahapon sa 2015 PBA D-League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Quezon City.
Isang short jumper ni Jay R Taganas mula sa inbound pass ng kakamping si Jarelan Tampus, may nalalabing 2.9 segundo na lamang sa orasan, ang nag-angat sa Titans sa 75-74 iskor.
Nakabingwit pa ito ng foul sa proseso mula kay Raymond Ilagan para sa isang bonus free throw at final count ng laro.
“Nagkataon lang siguro kasi hindi ko rin naman inaasahan na sa akin mapupunta ‘yung bola,” pahayag ng dating NCAA juniors MVP at Most Improved Player na si Taganas.
Hindi naman nakapagtataka kung makapag-deliver ang 27- anyos na si Taganas na umano’y minamataan ng Kia Carnival sa PBA dahil isa siya sa key players ng
Titans at consistent na magbigay ng double double performance sa kada laro.
Siya rin ang tumapos na top scorer ng laban sa ipinoste niyang 17 puntos at 11 rebounds.
Nanguna naman para sa Tanduay, na nalaglag sa ikalawa nitong kabiguan matapos magwagi sa unang laban, si Roi Sumang na nagposte ng 13 puntos.
Nag-ambag naman ng 14 puntos at tig-11 puntos sa ikalawang panalo ng Titans sa loob ng tatlong laban sina Dexter Maiquez, Tampus at James Martinez, ayon sa pagkakasunod.