Halos 2,000 kabataan ang lumahok sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) mass graduation para sa mga kursong nasa ilalim ng Special Training for Employment Program (STEP)/Technical-Vocational Education and Training (TVET), na mismong si Secretary Joel Villanueva ang naging panauhing tagapagsalita noong Marso 25 sa Zambales Sports Complex sa Iba, Zambales.
Ayon kay TESDA Provincial Director Virginia Bondoc, sa pagtataguyod ng Olongapo-Zambales Association of Private Technical Institutions ay mahigit 1,000 TVET graduate mula sa private at public technical institutions sa Zambales ang nagtapos kasabay ang 770 STEP graduate at 38 TM1 scholar.
Kasama sina Gov. Hermogenes Ebdane, Vice Gov. Ramon Lacbain at TESDA Regional Director Teodoro Gatchalian, dumating si Villanueva sa sports complex at sa kanyang
talumpati ay sinabing ang tagumpay ng mga nagtapos sa TESDA ay hindi dahil sa suwerte kundi dahil may sapat silang kaaalaman at kakayahan sa mga kursong kinuha sa ahensiya.
“TESDA is about jobs, for jobs,” sabi ni Villanueva na ginawang halimbawa ang karakter sa komiks na si Darna. “Nais po ng TESDA na tayo ang parang maging bato ni Narda, na ‘pag nilulon ni Narda ang bato at sisigaw siya ng ‘Darna!’ ay nagbabagong anyo, nagbabagong buhay.”
Ibinigay na halimbawa ni Villanueva sina Mike Scola, na jeepney barker mula sa edad na 12 ngunit naging escalation manager para sa isang BPO company sa Negros, makaraang magtapos ng Call Center Agent Course; at Rey Caceres, ng Dumaguete, na nagtapos ng automotive technician at malaki na ang kinikita ngayon sa Perth, Australia.