Makikiisa ang Pilipinas sa buong daigdig ngayon sa pagdaraos ng Earth Hour. Mula 8:30am hanggang 9:30pm ngayon, hinihimok ang sambayanan na patayin ang mga ilaw upang ipakita ang kanilang pakikiisa sa pagsisikap ng buong planeta na labanan ang climate change at itaguyod ang mas malinis, mas malusog, at mas luntiang daigdig.

Nagsimula ang Earth Hour noong 2004 nang patayin ang mga ilaw ng 7:30pm sa Sydney, Australia. Pagkalipas ng tatlong taon, noong Oktubre 2007, nagdaos ng “Lights Out” program ang San Francisco sa California, United States, ngunit nagpasya ang mga nag-organisa na makilahok sa unang international Earth Hour noong Marso 2008.

Mahigit 400 lungsod sa 35 bansa ang lumahok sa Earh Hour 2008. Habang umiikot ang mundo, pinatay ang mga ilaw dakong 8:00pm na sumapit sa bawat bansa at nagdilim ang mga tanyag na landmark sa buong daigdig. Kabilang dito ang Sydney Opera House, ang Empire State building sa New York City, ang Golden Gate Bridge sa San Francisco, ang Space Needle sa Seattle, ang Colosseum sa Rome, ang Petronas Towers sa Kuala Lumpur, ang Wat Aun Temple sa Bangkok, ang London City Hall, ang Sphinx at ang Great Pyramids of Giza sa Egypt at ang ating SM Mall of Asia.

Noong 2009, lumahok ang United Nations Headquarters sa New York City sa pagdaraos. Dumami ang mga bansang lumahok sa 96. Noong 2010, umakyat ito sa 126 bansa. Noong 2011, marami pang mga tanyag na landmark ang nakilahok sa isang oras na pagpatay ng mga ilaw, kabilang ang Forbidden City of Beijing, ang Eiffel Tower sa Paris, ang Buckingham Palace sa London, at ang Christ the Redeemer statue sa Rio de Janeiro. Noong 2012, mahigit 7,000 lungsod at bayan sa 152 bansa at teritoryo ang nakibahagi sa Earth Hour. Noong 2013, ang lights-out program ay pinalawak upang mapabilang ang Earth Hour Forest, sa pagsisimula ng reforesting ng Uganda sa 2,700 ektaryang nasirang lupain.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Tulad sa nakaraang mga taon, lumahok ang Pilipinas sa Earth Hour noong Marso 29, 2014, Sabado. Ngayon, lalahok ang Pilipinas sa Earth Hour mula 8:30pm hanggang 9:30pm. Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na magdo-donate ang Earth Hour-Philippines ng portable solar lamps sa off-grid communities sa bansa. Isang ceremonial switching-off ang isasagawa sa Quezon City Memorial Circle sa 8:30pm.

Ang global tagline para sa Earth Hour ngayong taon ay “Use Your Power to Change Climate Change”. Mahalaga ang pagbisita sa atin ni French President Fancoise Hollande noong Pebrero para sa 21st session ng UN Climate Change Conference sa Paris sa Disyembre. Ang pagdaraos ng Earth Hour ng daigdig ngayon na nakasentro sa climate change ay magiging isa na namang mahalagang aktibidad pantungo sa Paris conference.

Inaasahan na gagawa ng mga commitment ang mga bansa sa Paris conference na babawasan ang kanilang paggamit ng fossil fuel at magkakaroon ng isang kasunduan upang mabawasan ang carbon emissions na naitatag bilang pangunahing dahilan ng climate change at matitinding lagay ng panahon na madalas na nararansan sa daigdig ngayon.