Sinimulan natin kahapon na sagutin ang tanong na “Kaninong pangarapa ng inaasinta mo?” Naging malinaw sa atin na kung susuriing mabuti, ang mga pangarap “mo” ay maaaring hindi iyo. Kailangang maglaan ka ng oras upang pagnilayan ang sarili mong pangarap. Ano ba talaga ang kailangan mo para sa iyong sarili? Kung gumugugol ka ng panahon para sa isang degree holder o career na ayaw mo, huwag matakot palitan iyon ng gusto mo. Malamang na suportahan ka pa ng iyong pamilya.
Narito ang iba pang paraan kung paano nagiging iyo ang pangarap ng ibang tao at kung bakit kailangang manaig ang sa iyo:
- Ang pangarap ng iyong mga kaibigan para sa iyo. – Sa barkadahan, karaniwang pinagsasaluhan ang iisang ugali. Halimbawa, kung ang barkadahan mo ay matataba, malamang na mataba ka rin. Sapagkat ang pangarap nila para sa iyo ay pumayat ka, magsisikap kang magpapayat upang lumapat sa kanilang gusto. Ngunit may mga pagkakataong gusto mong sumuko sapagkat hindi mo naman talaga mapigilan kumain ng sans rival o ng leche flan at magpaimbita sa mga piyesta.
Maaari rin ang eksenang ito: Dalawa o tatlo sa barkadahan ang nagbago ng kurso, mapipilitan kang kunin din ang kurso nila sapagkat iyon ang naging desisyon nila at mukhang bagay sa iyo. Kalaunan, matutuklasan mong hindi mo pala gusto iyon at nag-aksaya ka lamang ng pera at panahon.
Isa pang mapait na halimbawa nito ay kapag ang pangarap ng iyong mga kasama ay magkaroon ng limpak-limpak na salapi sa kahit na anong paraan, mahihirapan kang manatili sa kung ano ang mas mahalaga sa iyo: ang magtrabaho nang marangal at maging responsableng mamamayan.
Puwede ka namang magpalit ng barkada. Ang piliin mong samahan ay yaong lapat sa iyong inaasintang pangarap at hindi iimpluwensiyahan ang iyong pagpapasya.
Sundan sa susunod na issue.