Tila ‘di pinagpawisan ang defending champion Sea Lions-Gryphon International kung saan ay dinispatsa nila ang dating NCAA champion Philippine Christian University (PCU), 79-63, at sungkutin ang solo lead sa 2015 MBL Open basketball championship sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.

Nagpasiklab si dating PBA mainstay Egay Billiones nang kamkamin ang game-high 26 puntos upang pamunuan ang Sea Lions-Gryphon sa ikalawang dikit na panalo sa prestihiyosong tournament na itinataguyod ng Smart Sports, Dickies Underwear, Ironcon Builders at PRC Couriers.

Si Bllones, na nahirang na MVP matapos igiya ang Sea Lions sa una nilang titulo laban sa Wang’s Ballclub sa MBL Open noong nakaraang taon, ay umatake nang husto sa matinding scoring runs sa second at third quarters upang ‘di na papormahin pa ang Dolphins.

Si Alwyn Elinon, ang high-flying 5-foot-11 guard na mula sa Rizal Technological Universtiy (RTU), ay nag-ambag ng 17 puntos para sa Sea Lions-Gryphon, na pinamahalaan ni assistant coach Dennis Lim na kahalili ni playing coach Rey Alao.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Namuno naman sina Fil-Am Anthony Cuevas, PBA legend Rene Hawkins at Harold Sta. Cruz sa depensa ng Sea Lions.

Si Cuevas, isang 6-foot-5 center na unang na-draft ng Red Bull sa PBA, ay nag-ambag ng 10 puntos at 12 rebounds, habang si Hawkins, ang 6-foot-3 forward na mula sa Alaska Milk, ay nagdagdag ng 9 puntos at 10 rebounds.

Ikinasa naman mi Toto Mangaran ang 7 puntos para sa Sea Lions-Gryphon na pinamumunuan nina president Rens Esmeralda, Geri Mondejar, Jessie Pillas at Mariel Alao.

Namuno naman si Von Tambeling sa Dolphins ni coach Elvis Tolentino sa kanyang naitalang 17 puntos.

Samantala, ipinahayag ni MBL chairman Alex Wang na tatlo pang koponan, ang Franzie Cologne-Olivarez College, Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Fourbees at Wang’s Ballclub, ang nakatakdang lumahok sa liga.

Ang Franzie Cologne ay pamamahalaan nina coach Mike Saguiguit at ng husband and wife tandem nina Jeff and Cheryl Tio.