Ni AARON RECUENCO

Binigyan ng parangal ng Philippine National Police (PNP) ang mga opisyal at miyembro ng Board of Inquiry (BoI) na nag-imbestiga sa madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 police commando.

Sinabi ni Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., tagapagsalita ng PNP, bibigyan ng award ang BoI, ang audit team nito at iba pang sangay na tumulong sa mahigit na isang buwan na imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan sa likod ng palpak na police operation laban sa Malaysian bomb expert na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” at Basit Usman sa Mamasapano noong Enero 25.

“We have a system of recognizing our members and with respect to the BOI, we all saw how serious their job was and they were able to fulfill the task assigned to them,” pahayag ni Cerbo.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ang pagkilala ng PNP sa imbestigasyon ay isasagawa matapos ipatawag ni Pangulong Aquino si Director Benjamin Magalong, pinuno ng BoI, upang ilabas ang kanyang hinanaing sa resulta ng pagsisiyasat ng lupon.

Ayon kay Cerbo, nagampanan ng BoI ang napakahirap na misyon dahil ang sangkot sa isyu ay hindi lamang matataas na opisyal ng pulisya, militar, Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), kundi maging ang Pangulo.

Base sa resulta ng imbestigasyon ng BoI, na-bypass ng Pangulo ang chain of command nang ito ay direktang makipagugnayan sa suspendidong hepe ng PNP na si Director General Alan LM Purisima imbes na kay Deputy Director Leonardo Espina, ang itinalagang officer-in-charge ng Pambansang Pulisya.

Kabilang sa mga bibigyan ng PNP Service Medal ay sina Magalong, Director Catalino Rodriguez at Chief Supt. John Sosito.

“The PNP Service Medal, or Medalya ng Pambihirang Paglilingkod, is for their exceptionally meritorious and invaluable service in the field of police operations,” pahayag ni Cerbo.

Bibigyan ng PNP Efficiency Medal o Medalya ng Kasanayan ay sina Senior Supt. Robert Po, Senior Supt. Ronald dela Rosa, Senior Supt. Cesar Hawthorne Binag, Senior Supt. Benigno Durana, Senior Supt. Rudy Lacadin, Supt. Danilo Macerin, Supt. Arthur Bisnar, Supt. Angeles Genorga, Supt. Marlon Tayaba, Supt. Nino David Rabaya, Chief Insp.

David Joy Duarte, Insp. Helen dela Cruz at Atty. Virgilio Pablico.

Si Espina ang nag-apruba sa pagbibigay parangal at siya ring nanguna sa awarding ceremony sa Camp Crame kahapon.