Humarap kahapon ng umaga sa clarificatory hearing sa tanggapan ng Ombudsman ang sinibak na hepe ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na si Director Getulio Napeñas.

Ito ay upang maipaliwanag ni Napeñas ang nilalaman ng kanyang affidavit kaugnay ng nailunsad na “Oplan Exodus” sa Mamasapano Maguindanao na ikinamatay ng 44 tauhan nang lusubin ang kuta ng Malaysian terrorist na si Marwan.

Si Napeñas ay sinamahan ng kanyang abogadong si Atty. Vitaliano Aquirre sa pagharap sa Ombudsman.

Inihayag ni Napeñas na sa pagkakataong ito ay hindi niya isinasalba ang sarili sa pananagutan sa naganap na pagkamatay ng SAF 44, ngunit malaki aniya ang kanyang paniwala na may responsibilidad din hinggil dito sina Pangulong Aquino at nagbitiw na PNP chief na si Director General Alan Purisima.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Bukod sa isinumiteng affidavit sa Ombudsman, ibinigay rin ni Napeñas ang isang kopya ng video na makikita sina Marwan at Basit Usman, bago ang inilunsad na pagsalakay ng SAF sa Mamasapano.