Kabuuang 17 gintong medalya ang agad pag-aagawan ngayon sa pagsisimula ng 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.

Sa Ganap na alas-6:00 ng umaga paglalabanan ang unang nakatayang gintong medalya sa women’s10,000m run bago sundan ng men’s shot put sa ganap na alas-8:00 kung saan ay tatangkain ng 2016 Rio Olympics hopeful at Fil-Heritage na si Caleb Stuart na maitala ang panibagong Philippine record.

Kasabay nito, lalarga naman ang women’s high jump kung saan ay hangad ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) na makadiskubre ng bagong talent, bukod pa sa hahataw ang espesyal na kategorya na master’s high jump na para sa mga dating miyembro ng pambansang koponan.

Sinabi ni PATAFA Secretary General Renato Unso na nagsidatingan na rin ang mga lalahok na atleta na mula sa nagkumpirmang 12 bansa o kabuuang 1,500 lokal at mahigit sa 150 foreign tracksters para sa apat na araw na torneo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pangkalahatan, kabuuang 73 gintong medalya ang paglalabanan habang may anim na espesyal na awards din ang nakataya sa torneo.

Nakasalalay din sa torneo ang tsansa ng mga nagsipagwagi ng medalya sa nakaraang 27th Myanmar SEA Games upang mapasama sa pambansang delegasyon na sasabak sa 28th Singapore SEAG.

Matatandaan na nagwagi ng ginto sina Edgardo Alejan Jr., Archand Bagsit, Isidro del Prado Jr. at Julius Felicisimo Nierra Jr sa men’s 4 x 400m relay, Jesson Ramil Cid sa men’s decathlon, Christopher Ulboc Jr. sa men’s 3000m steeplechase, Eric Shauwn Cray sa men’s 400m hurdles, Bagsit sa 400m run at Henry Dagmil sa men’s long jump.

Nagwagi rin ng pilak sina Mervin Guarte sa men’s 800m, Narcisa Atienza sa women’s heptathlon, Arniel Ferrera sa men’s hammer throw at Alejan sa men’s 800m habang tanso naman kina Jessica Barnard sa women’s 3,000m steeple chase, Eric Panique sa men’s marathon at Riezel Buenaventura sa women’s pole vault.

Isasagawa ang opening ceremony sa ganap na ala-1:00 ng hapon bago sundan muli ng aksiyon sa alas-2:00 ng hapon.

Optimistiko naman ang PATAFA na maihahalintulad ang edisyon ng torneo sa prestihiyosong Olympics.

“There will be giant screens, just like in every staging of the Olympics na sa bawat isasagawang events at takbo ng mga atleta and every results will be posted digitally right after the performances of the athletes,” sinabi ni Edward Kho, media and marketing chief ng PATAFA.

“Inuumpisahan kasi namin na ma-professionalize ang staging ng lahat ng event ng PATAFA not just for us, but for the athletes para masanay na sila sakaling sumali sila sa malalaking events sa kind and quality ng environment like sa SEAG, Asian Games at sa Olympics,” giit pa ni Kho.

“Maiiwasan din ang dayaan at talagang makikita natin ang data sa mga results. Saka madali na rin maresolbahan iyong mga photo finish dahil sa cameras sa finish line,” paliwanag pa ni Kho.

Nakataya rin ang anim na espesyal na karangalan sa apat na araw na torneo na inaasahang dadaluhan ng 150 internasyonal at Class A na mula sa 12 bansa. Ang espesyal na award ay Most Valuable Player, Most number of gold won, fastest men at women, Man of Steel, Iron Maiden at Powerhouse Team.

Sasabak din sa aksiyon ang mga atleta sa China, Chinese Taipei, South Korea, Hong Kong, Brunei, Thailand, Malaysia, Vietnam, Singapore, Indonesia at Myanmar.

Ang 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships ay itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) kasama ang major sponsor na Laguna Water, Pacific Online Scratch It KaskaSwerte, Papa John’s Pizza, Foton Philippines, PCSO, Smart, PLDT, Summit Natural Drinking Water at minor sponsor na SSS, PAGCOR, Milo, Gatorade, L TimeStudio at Asics Watch.