Nais ng mga senador na isailalim na lang sa house arrest si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile. Hiniling ng 16 senador sa Sandiganbayan na alang-alang sa humanitarian reason, nais nilang pauwiin si JPE sa kanyang bahay at doon manatili habang dinirinig ang kasong plunder laban sa kanya. Binanggit nila na si JPE ay 91 anyos na at may sakit.
Ang mga senador na pinangunahan ni Sen. Tito Sotto ay nagsilagda sa isang liham na ipinadala sa Third Division ng Sandiganbayan tungkol sa apelang house arrest para sa beteranong mambabatas. Sila ay sina Senate President Franklin Drilon, Sens. Sergio Osmena IV, JV Ejercito, Nancy Binay, Gregorio Honasan, Ralph Recto, Juan Edgardo Angara, Lito Lapid, Cynthia Villar, Ferdinand Marcos Jr., Bam Aquino, Grace Poe, Loren Legarda, Teofisto Guingona III at Francis Escudero.
Samantala, ang hindi pumirma ay sina Sens. Miriam Defensor-Santiago, Antonio Trillanes IV, Alan Peter Cayetano at Aquilino Pimentel III. Si JPE ay kasalukuyang nakaratay sa Makati Medical Center dahil sa pulmonya. Dati siyang naka-confine sa PNP General Hospital sa Camp Crame. Sabi ng kaibigan kong palabiro subalit sarkastiko: “Sila ba (mga senador) ay humiling din ng gayong pabor sa Sandiganbayan para ma-house arrest si Aleng Maliit (GMA) na nasa Veterans Memorial Medical Hospital na talagang mas seryoso ring sakit?”
Nailabas na noong Huwebes ang pinakahihintay na PNP Board of Inquiry Report tungkol sa tunay na pangyayari sa Oplan Exodus na inilunsad ng PNP Special Action Force (SAF) noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao para silbihan ng arrest warrant ang teroristang si Marwan at kasamang bomb-maker na si Basit Usman. Sa nasabing operasyon, 44 SAF commando ang namatay dahil sa diumano ay walang koordinasyon ng PNP sa AFP kung kaya hindi nakapagpadala ng reinforcement upang maisalba ang kawawang mga commando na pinagbabaril ng MILF at BIFF. Hayaan nating ang taumbayan ang humatol sa report ng BOI at maging sa mga report pa ng iba’t ibang ahensiya at lupon na nagsagawa rin ng mga imbestigasyon tungkol dito. Abangan natin kung may pananagutan dito sina PNoy, ex-PNP chief Director General Alan Purisima, ex-SAF commander Director Getulio Napeñas, at iba pa.