Dalawang kawani ng gobyerno ang inaresto ng pinagsanib na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng warrant of arrest sa Northern Samar noong Miyerkules, iniulat kahapon ng PDEA.

Kinilala ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga suspek na sina Adolfo Avalon, 45, watcher ng Provincial Mining Regulatory Board sa Northern Samar; at Noemi L. Siervo, 41, confidential assistant ni Mayor Lino Balanquit ng Pambujan, Northern Samar.

Base sa report ng PDEA, dakong 9:30 ng umaga noong Miyerkules nang isilbi ng awtoridad ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Decoroso Turla ng Regional Trial Court Branch 21 ng Laoang, Northern Samar laban sa dalawang suspek sa bahay ni Avalon sa Barangay Zone 5, San Roque, Northern Samar.

Nakumpiska sa mga suspek ang ilang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu, drug paraphernalia, isang .45 caliber pistol, isang Norinco .9mm pistol, isang caliber .45 Caspian pistol, isang paltik na kalibre .38, isang granada at dalawang cell phone.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sina Avalon at Siervo ay nakapiit ngayon sa San Roque Municipal Police Station makaraang kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at dagdag na kaso laban kay Avalon dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.