Isang 19-anyos na estudyante ang isinugod sa ospital matapos uminom ng silver nitrate solution bago pumasok sa kanyang klase sa Manila noong Biyernes ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, natagpuan ng kanyang mga kaklase ang biktimang si Jenelyn De Guzman habang nakahandusay sa sahig ng gymnasium ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), namimilipit sa sakitsa tiyan at nagsusuka.
Gamit ang isang nasogastric tube, nilapatan ng first aid ng mga doktor ng unibersidad bago siya isinugod sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERMC) dakong 5:40 noong Biyernes ng hapon.
Base sa imbestigasyon ni Chief Insp. Alexander De Jesus ng Sta. Mesa Police Sub-station, sinabi ng mga kaklase ni De Guzman sa PUP College of Arts and Letters na nahaharap ang estudyante sa matinding problema sa pamilya matapos siyang itakwil umano ng kanyang magulang na naninirahan sa Oriental Mindoro.
Lumitaw sa pagsusuri ng mga doktor sa UERMMC na uminom si De Guzman ng silver nitrate solution sa kanyang pagpapakamatay.
Ayon sa mga dalubhasa, ang silver nitrate solution ay nakalalason sa central nervous system at gastrointestinal tract kapag ininom ng isang tao. Ito ay maaaring magsanhi sa matinding diarrhea dahil sa pamamaga ng bituka na pinagmumulan ng pagsusuka, matinding sakit sa tiyan at pagkahilo. - Jenny F. Manongdo