SIKAT NG ARAW ● Napabalita na may mamumuhunan upang makapagdulot ng mahigit sa 100 megaWatts (MW) ng elektrisidad mula sa solar panels na ititirik sa bubong ng mga gusali at shopping mall. Layunin ng Solar Philippines (SP) na maglaan ng dalawandaang milyong dolyar para sa instalasyon ng solar panels tulad ng mailatag sa isang malaking shopping mall sa Palawan kamakailan, ayon sa pangulo nitong si Leandro Leviste.

Kamakailan din nakipag-agapayan ang SP Philippines sa SM Prime Holdings Inc. para sa instalasyon ng solar panels sa SM City North EDSA. Makikipag-ugnayan din ang SP sa iba pang entity para sa proyekto sa layuning ipalaganap ito sa buong bansa. Napapanahon ang pagkilos na itong SP sapagkat naririto na ang summer at mas malamang na matindi pa ang sikat ng araw sa mga darating na araw. Mainam itong paghahanda para sa napipintong mga brownout tulad na inanunsiyo na ng mga kinauukulan. Ang solar energy ang pinakamainam na pagkukuhanan ng enerhiya sapagkat ito ay banayad sa kalikasan. Isa itong lunas sa problema ng climate change. Malinis na enerhiya mula sa sikat ng araw. Malinis din na hangarin.

BAWAL MAGKASAKIT ● Lumabas ang ulat na mayroong limang karaniwang sakit ang mga lalaki. Ayon sa isang pag-aaral, una na rito ang sakit sa puso. Mas mataas ang risk ng atake sa mga lalaki kaysa babae, lalo na kung kabilang ang sakit sa puso sa family history ng lalaki. Mas mataas ang risk kung naninigarilyo si Lalaki, mataas ang cholesterol level, may alta presyon o diabetes. Dito mahalaga ang regular na exercise at pagbisita rin sa doktor upang malaman ang maaaring mga dahilan ng atake sa puso. Pangalawa ang sleep apnea o ang kagyat na paghinto ng paghinga habang natutulog. Sintomas nito ang paghilik, madalas na pagbangon upang umihi. Pangatlo ang high blood pressure. Sanhi nito ang sobrang katabaan. Kailangang umiwas si Lalaki sa pagkain ng maaalat at matataba. Pang-apat ang mataas na cholesterol level. Pagkain ng isda at fish oil supplement ang solusyon umano rito. At ang panlima ay ang colon cancer. Mahalaga ang maagang deteksiyon kaya kailangan talagang sumailalim si Lalaki sa colonoscopy kada sampung taon makalipas ang edad 50 o mas maaga kung may family history. Tunay na mahalaga ang pagbisita sa doktor paminsan-minsan upang malaman kung may problema na si Lalaki sa kalusugan at nang malunasan sa lalong madaling panahon.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'