Kabuuang 73 gintong medalya ang nakatakdang paglabanan ng mahigit sa 1,500 lokal, miyembro ng national team at mga dayuhang atleta sa pag-arangkada ng 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.

Agad na pag-aagawan ang 17 ginto sa Day 1 ng torneo kung saan ay hahataw ang women’s 10,000m run. Nakataya naman ang 20 gintong medalya sa ikalawang araw ng bakbakan habang may 18 sa ikatlo at ikaapat at huling araw ng torneo.

Nakalaan din ang anim na espesyal na karangalan sa apat na araw na torneo na inaasahang dadaluhan ng 150 internasyonal at Class A na atleta kung saan ay kinumpirma na ang pagsali ng 12 bansa. Ang espesyal na award ay ang Most Valuable Player, most number of gold won, fastest men at women, Man of Steel, Iron Maiden at Powerhouse Team.

Isasagawa rin sa unang pagkakataon sa nagbabalik na torneo na nawala sa nakalipas na limang taon ang kategorya para sa Masters o ang mga dating pambansang atleta na aktibo at patuloy pa rin sa pagsasanay. Paglalabanan ang mga event sa 100m, 400m, long jump, high jump, triple jump at ang 1,500m run.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Samantala, nakatuon ang dalawa, na kabilang sa pinakamahuhusay na batang atleta sa national pool, na ipakita ang kanilang kalidad upang masungkit ang nakatayang silya sa 28th Southeast Asian Games (SEAG) sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Kapwa determinado ang 19-anyos na pole vault national record holder na si Emerson John Obiena at ang 22-anyos na hurdles specialist na si Patrick Unso na mahigitan ang kanilang pinakamagandang marka sa pagsabak sa kanilang events sa torneong gaganapin sa Marso 19 hanggang 22.

Umaasa ang dating record holder sa 110m hurdles na si Unso na opisyal na makuwalipika sa delegasyon sa pag-abot sa qualifying time na 14.14 segundo. Hawak nito ang best time na 14.21 segundo na itinala sa paglahok nito sa UAAP.

Asam naman ni Obiena na matalon ang 5.40 metro sa unang pagkakataon matapos na lampasan ang 5.30 metro sa ensayo. Huli nitong itinala ang 5.21 metro sa Asian Juniors at PATAFA Weekly relays na mas mataas naman sa SEA Games standard at pole vault record na 5.15metro na itinala ng isang Thai.

“Lalaro pa din po iyong may hawak sa SEA Games rekord kaya iniisip ko na kaya niyang lampasan pa ang rekord niya. Ako naman po ay nais ko na maitaas pa ang personal record ko at sana ay maiuwi ko ang ginto,” sinabi ng UST Electronics Engineering student na si Obiena.

Sasabak din sa aksiyon ang mga bisitang bansa na mula sa China, Chinese Taipei, South Korea, Hong Kong, Brunei, Thailand, Malaysia, Vietnam, Singapore, Indonesia at Myanmar.

Ang 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships ay itinataguyod mismo ng Philippine Sports Commission (PSC) kasama ang major sponsor na Laguna Water, Pacific Online Scratch It KaskaSwerte, Papa John’s Pizza, Foton Philippines, PCSO, Smart, PLDT, Summit Natural Drinking Water at minor sponsor na SSS, PAGCOR, Milo, Gatorade, L TimeStudio at Asics Watch.