Pinamunuan nina Singapore Southeast Asian Games candidate Reyland Capillan at Youth Olympian Carlos Yulo ang kampanya ng Team Philippines sa pagkubra ng tig-dalawang gintong medalya sa Hong Kong Gymnastics International Invitational Championships sa Shan Sports Center sa Shatin, Hong Kong kamakailan.

Sinorpresa ni Capillan, isang out-of-school youth na mula sa Rizal Province, ang matitikas na karibal at beteranong si Incheon Asian Games gold medalist Wai Hung Shek ng host Hong Kong sa seniors individual vault event.

Kapwa nagtapos ang 21-anyos na si Capillan at ang top-rated na si Shek na may magkaparis na 14.199 iskor, ngunit nakuha ng Pinoy ang gintong medalya sa count back dahil sa natamong fault ng Hong Kong star.

“I was so blessed and so happy with my game. I try my best and followed my coach game strategy. Hopefully, ma-maintained ko po ‘yung confidence for the Singapore Sea Games,” saad ni Capillan.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Taliwas sa vault event, naitala ni Capillan ang dominanteng panalo sa floor exercise, sa naitalang 15.33 puntos laban kina Malaysian Phanying Lo at Muhammad Abdul Azim na umiskor ng 12.850 at 12.700 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Humataw naman si Yulo, isa sa anim na Pinoy na sumabak sa 2013 Youth Games sa China, sa pummel horse at high bar sa junior division ng torneo na nilahukan ng 12 bansa, kabilang ang mga karibal sa rehiyon.

Nakopo ng 15-anyos na si Yulo ang ginto sa pummel horse sa iskor na 11.666 kontra kina Singaporean Yong Sean Yeo (11.533) at kasanggang si Jan Timbalang (11.500), habang naungusan niya sa count back si Thai Thikumporn Surithorntka sa high bar event matapos na kapwa magposte ng 12.633. Nakamit ni Ting Chia Chang ng Kazakshtan ang bronze (11.766).

Ikinalugod ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion ang impresibong kampanya ng koponan na aniya’t bunga ng inilatag niyang long-term program sa pakikipagtulungan ng foreign coaches na mula sa Romania at Japan na siyang nagtuturo sa mga lokal coaches at atleta sa training pool.

Naidagdag ni Yulo ang apat na silver medals sa junior competition ng vault, steel rings, floor exercise at parallel bar, na sapat para tanghaling first runner up sa individual all-around category.

Ang iba pang nagwagi ng medalya ay sina Rafael Ablaza (bronze sa vault at floor), Jan Gwynn (bronze sa pummel horse), Tina Onofre (silver sa parallel bars), at Chloe Shaine Gatlabayan (silver sa vault at bronze sa floor exercise).