Magpapatupad ng oil price hike sa pangunguna ng kumpanyang Shell ngayong Martes ng madaling araw.
Sa anunsiyo kahapon ng Shell, epektibo 12:01 ng madaling araw ngayong Marso 10 ay magtataas ng 95 sentimos sa presyo ng kada litro ng diesel at 55 sentimos sa gasolina.
Wala namang paggalaw sa presyo ng kerosene nito.
Asahang susunod sa kahalintulad na oil hike ang ibang kumpanya kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Ang bagong dagdag-presyo ay bunsod ng pagtaas ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado.
Noong Marso 3, nagtapyas ang mga kumpanya ng 80 sentimos sa presyo ng kerosene at 40 sentimos sa diesel habang dinagdagan naman ng 15 sentimos ang halaga ng kanilang gasolina dahil sa paggalaw ng contract price ng langis sa pandaigdigang pamilihan.