Inihayag kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang apat na overseas Filipino worker (OFW) sa siyam na dayuhan na dinukot ng mga armadong lalaki sa isang oil field sa Central Libya.

Ayon kay DFA Spokesman Charles Jose wala pang grupo ang umaako sa likod ng pagdukot sa mga biktima at wala pang natatanggap ang employer na ransom demand kapalit ng paglaya ng mga ito.

Puspusan ang pakikipag-ugnayan ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli sa employer ng apat na OFW kaugnay sa nasabing report at umaasa sa ligtas na pagpapalaya sa mga Pinoy na binihag.

Noong Pebrero 3, tatlong OFW ang kabilang sa walong dayuhang dinukot ng mga armadong lalaki matapos salakayin ang Mabruk Oil Field sa Central Libya.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

Hindi pa rin matukoy ang kinaroroonan ng mga dinukot kabilang ang tatlong OFW at wala rin natatanggap na ransom demand ang kanilang employer na SOGEPI SRL Italy company.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang DFA sa mahigit 4,000 natitirang Pinoy sa Libya na agad na tumalima sa mandatory repatriation program ng gobyerno ng Pilipina sa pamamagitan ng embahada nito roon dahil tumitindi pa ang sitwasyon sa pulitika at seguridad sa naturang bansa.