WORLD WAR II BATTLESHIP Sa larawan na ito na kuha noong Marso 2, 2015 at na-download mula sa Paulallen.com noong Marso 4, 2015 ay makikita ang manibela na pinaniniwalaang mula sa engineering area ng World War II Japanese battleship na Musashi, na natagpuan ng research team ni Paul Allen sa pusod ng Sibuyan Sea sa Pilipinas. AFP

Inihayag kahapon ng Malacañang na hindi na iaahon ang lumubog na Japanese battleship na Musashi at mananatili na lang ito sa pusod ng karagatan bilang isang diving site.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na ito rin ang kinasapitan ng 12 iba pang nalubog na barko na una nang nasisid sa karagatan ng Pilipinas.

“There have been groups in the past that have also been looking for the Musashi. In fact some sunken Japanese warships have already been found in various places in the Philippines,” ani Valte.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“May nagtatanong if iaangat pa ‘yan. Hindi na sila normally inaangat at nagiging dive site na lang, at least on the first 12 that was found within the country,” sabi ni Valte.

Sinabi rin ni Valte na patuloy na nakikipag-ugnayan ang National Museum sa research team ng Amerikanong bilyonaryo na si Paul Allen, co-founder ng Microsoft. Ang grupo ni Allen ang nakatuklas kamakailan sa nabubulok nang bahagi ng Musashi sa Sibuyan Sea malapit sa Romblon.

Una nang sinabi ng Malacañang na ang pagkakadiskubre sa alinmang archeological artifact, gaya ng Musashi, ay saklaw ng RA 10066 (National Cultural Heritage Act of 2009).

Ang Musashi ang ikalawang barko ng Yamato class ng Imperial Japanese Navy World War II battleship at isa sa dalawang pinakamabibigat at pinakahuhusay na barkong pandigma sa mundo, ngunit lumubog sa kasagsagan ng Battle of Leyte Gulf noong Oktubre 24, 1944.