BUTUAN CITY – Aksidenteng napatay ng isang lalaki ang 15-anyos niyang nakababatang kapatid gamit ang isang homemade shotgun sa Barangay Sta. Irene sa Prosperidad, Agusan del Sur, iniulat ng pulisya kahapon.

Agad na namatay si Avin Tanghal Trofel, 15, ng Bgy. Sta. Irene sa Prosperidad, makaraang masapol sa dibdib ng bala na nagmula umano sa homemade shotgun ng nakatatanda niyang kapatid na si Alfredo Tanghal Trofel Jr., 18 anyos.

Nangyari ang insidente dakong 10:00 ng gabi noong Marso 4 sa loob ng kanilang bahay, ayon kay Supt. Martin M. Gamba, regional spokesman ng Police Regional Office (PRO)-13.

Ayon sa imbestigasyon ng Prosperidad Municipal Police, nakikipagtalo ang suspek sa kapatid na si Divina nang magpaputok siya ng shotgun, na aksidenteng tumama sa dibdib ng kapatid na binatilyo, na noon ay himbing na natutulog.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Dakong 7:00 ng umaga nitong Marso 5 nang kusang sumuko ang suspek sa mga opisyal ng barangay.

Bitbit ang shotgun, agad namang inilipat ang suspek sa kostudiya ng pulisya ng Prosperidad. (MIKE U. CRISMUNDO)