Naglatag ang bagong hepe ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na si Chief Superintendent Moro Virgilio Lazo ng mga reporma sa kanilang panig sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

Ang prioridad na isusulong ni Lazo ay ang pagbabago at kapakanan ng kanyang mga tauhan sa SAF, pagkakaroon ng kaukulang armas at muling sumailalim sa mga pagsasanay para maisakatuparan ang kanilang mandato at gawin nang mas maayos ang mga misyon kasunod ng insidente sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 na ikinasawi ng 44 SAF member.

Kamakalawa, sa pakikipag-usap ng SAF chief kay Pangulong Benigno S. Aquino III, ipinaliwanag nito na kailangang paglaanan ng pamahalaan ng dagdag na suporta sa training at pagbili ng bagong kagamitan ng mga miyembro ng SAF, kabilang ang armored assets at artillery pieces.

Bukod dito ang pagbibigay din aniya ng benepisyong medical, parangal at promosyon sa mga kagawad ng SAF.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Matatandaan na kinausap ng Pangulong Aquino ang SAF commandos na umabot sa tatlong oras at ilan sa mga nakaligtas at nasugatan sa Mamasapano operation ay nagpahayag ng kanilang hinaing at hindi naitago ang kanilang emosyon.

Kinumpirma naman ni Lazo na nananatiling buo at nagkakaisa ang SAF na aniya’y, “All for one, one for all” sa kabila ng pagdadalamhati para sa mga namatay na kasama.

Pamumunuan ni Lazo ang PNP elite force ng dalawang taon bago maabot ang mandatory retirement sa edad na 56.