Ngayong unti-unti nang nararamdaman ang init ng panahon habang papalapit ang summer season, pinaalalahanan ng Department of Health (DoH) ang publiko na maging handa para makaiwas sa mga sakit, lalo na sa nakamamatay na heat stroke.
Ayon kay acting Health Secretary Janette Garin, dapat tiyakin ng publiko na may panlaban sila sa sobrang init ng panahon na inaasahang mararanasan sa mga susunod na araw.
Aniya, bago lumabas ng bahay ay tiyakin na may dalang payong at may baon na tubig, bukod pa sa dapat ay may sapat na tulog at kumain ng masusustansiya para maging malakas ang pangangatawan.
Makatutulong din, aniya, ang paglalagay ng sun block, lalo na kung magtutungo sa mga beach, para makaiwas sa sunburn at mga sakit sa balat.
Anang kalihim, tuwing panahon ng tag-init ay tumataas ang insidente ng allergic conjunctivitis o sore eyes, heat stroke, fungal infection sa balat, gayundin ang food poisoning, dehydration at bulutong.
Bunsod nito, sinabi ni Garin na hindi dapat na magpabaya at sa halip ay maging maingat sa katawan, lalo na ang mga bata at matatanda na may mahinang immune system.
Payo pa niya, makaiiwas sa dehydration kung dadalasan ang pag-inom ng tubig.
Kung magbabaon naman ng pagkain sa mga picnic o anumang salu-salo ay piliing ihanda ang mga hindi madaling mapanis.
Ipinayo rin ng kalihim ang araw-araw na paliligo, partikular sa mga bata, upang hindi sila magkaroon ng bungang araw.
Ayon pa sa DoH, epektibong makaiiwas sa heat stroke kung hindi magbibilad sa araw mula 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon, na pinakamatindi ang sikat ng araw.