Aabot sa P1.72 milyon ang ikalulugi ng gobyerno sa bawat weekend na ititigil ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 upang sumailalim sa rehabilitasyon ang mass transit system.
Base sa ridership data, sinabi ni MRT General Manager Roman Buenafe na mula 17,000 hanggang 25,000 pasahero ang maapektuhan ng pagsasara ng operasyon ng MRT 3 simula 9:00 tuwing Sabado ng gabi, sa halip na 11:00 ng gabi, at magbubukas ito ng 12:00 kinabukasan ng tanghali tuwing Linggo sa halip na 4:30 ng madaling araw.
Samantala, mula 60,000 hanggang 70,000 pasahero ang puwersadong gumamit ng alternatibong transportasyon hanggang sa pagbabalik ng operasyon ng MRT 3 matapos ang 15 oras ng rehabilitation work, partikular sa mga riles nito.
“Since the average fare collected from every passenger ranges between P18 to P20, we expect to lose P420,000 for closing early on Saturdays and P1.3 million for opening late on Sundays,” dagdag niya.
Sa kabila ng pagkalugi, sinabi ni Buenafe na hindi na maaaring patagalin pa ng gobyerno ang pagpapatupad ng modified weekend schedule ng MRT 3 upang bigyang daan ang pagpapalit ng mga lumang riles sa 17-kilometrong elevated mass transit system.
Sinabi ng opisyal na papalitan ang 150 metrong riles sa ilang kritikal na bahagi ng MRT tracks sa pagitan ng Taft Avenue at Magallanes stations tuwing weekend.
Kukunin ang pamalit na riles mula sa 600 metrong stabling rail, na matatagpuan sa dulo ng tracks malapit sa train depot na nagsisilbing paradahan ng mga tren. - Kris Bayos