COTABATO CITY – Libu-libong residente ng Datu Unsay sa Maguindanao ang lumikas kahapon ng madaling araw sa kasagsagan ng paglalaban ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ayon sa mga ulat, hindi na madaanan ang bahagi ng Cotabato-General Santos highway, partikular sa Datu Unsay, bukod pa sa nagdulot ng matinding trapiko sa lugar ang napakaraming residente na naghambalang sa kalsada.
Hinarangan kasi ng may 80 armadong miyembro ng BIFF ang bahagi ng national highway sa Sitio Quarry sa Barangay Iganagampong, Datu Unsay, na nagbunsod sa paglikas ng libu-libong residente.
“May evacuation today. ‘Yung mga sibilyan may nakita na mga armado sa area,” sinabi kahapon ni Captain Joan Petinglay, tagapagsalita ng 6th Infantry Division.
Idinagdag ni Petinglay na nagdesisyon ang mga residente na maglagi sa national highway para sa sariling kaligtasan sa pangambang malapit nang magsimula ang pakikipagdigmaan ng militar sa BIFF.
Sinabi pa sa mga ulat na dakong 10:00 ng umaga kahapon nang makaengkuwentro ng mga tauhan ng 45th Infantry Battalion at 2nd Mechanized Company ng Philippine Army ang isa pang grupo ng armadong BIFF sa national highway sa Barangay Maitumaig, Datu Unsay.
Wala pang naiuulat na nasawi sa insidente habang sinusulat ang balitang ito kahapon ng hapon, pero sinabi ng mga source sa lugar na hindi na magamit ang isang military tank matapos itong masapol ng isang 90 RR na ginamit ng mga rebelde.
Hindi pa ito kinukumpirma ng militar. (ALEXANDER D. LOPEZ)