Nakapuwersa ng rubbermatch ang defending champion National University (NU) matapos burahin ang taglay na twice-to-beat advantage ng University of Santo Tomas (UST) sa pamamagitan ng 26-24, 26-26, 23-25, 25-21 panalo kahapon sa kanilang Final Four match sa UAAP Season 77 men’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nakataya ang kanilang tsansa na maipagtanggol ang hawak na titulo, nagsanib-puwersa sina Jan Berlin Paglinawan, Season 75 MVP Peter Den Mar Torres at Reuben Inaudito upang makahirit ng do-or-die game.

Kapwa nagtala ng tig-19 puntos sina Paglinawan at Torres habang nag-ambag naman ng 17 puntos si Inaudito para pamunuan ang nasabing panalo ng NU.

Naging malaking rebelasyon naman at nakatulong sa nabanggit na panalo si Riben Baysac na nagposte ng kanyang personal best na 12 puntos ngayong season.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

Humakot din ng 18 hits si Paglinawan habang 14 naman kay Torres at 4 blocks samantalang may 2 aces si Inaudito, bukod pa sa 7 digs.

Nakalamang pa sa hits ang Tigers, 62-59, sa pangunguna ni Mark Gil Alfafara na nagposte ng season high na 34 hits, bukod pa sa dalawang aces, na nakapaloob sa kanyang season high na 37 puntos.

Gayunman, kinapos sa suporta si Alfafara na sinundan ni Arnold Bautista na mayroong 14 puntos habang nakapag-ambag lamang ng tig-8 puntos ang mga inaasahang sina Romnick Rico at Patrick Balse.

Dahil dito, magtutuos ang dalawang koponan sa isang do-or-die match sa Sabado.

Samantala, habang sinasara naman ang pahinang ito, nakatakdang simulan ng Ateneo at Adamson ang kanilang kampanya para sa isa pang Final Four pairings.