Inihayag ni Senate President Franklin Drilon na dapat na pag-aralan ng Office of the Ombudsman ang posibilidad na makasuhan ng usurpation or authority si dating Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Alan Purisima.
Sinabi ni Drilon na malinaw na hindi sinunod ni Purisima ang utos ni Pangulong Benigno S. Aquino III na makipag-ugnayan ang una sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP.
“Sa akin po, maliwanag na si Gen. Purisima ay hindi sinunod ang utos ng Pangulo na mag-coordinate,” sinabi ni Drilon sa mga mamamahayag.
“Pangalawa, kahit siya ay under suspension, maliwanag na siya pa rin ang nagbibigay ng direksiyon kay SAF (Special Action Force) Director (Getulio) Napeñas kung ano ang gagawin,” dagdag ni Drilon.
Sa pagdinig sa Senado, inamin ni Napeñas na si Purisima ang nagbigay ng go-signal para isakatuparan ang Oplan Exodus at arestuhin ang Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan.
“The Ombudsman should study the possibility of charging Purisima with usurpation of public functions, because at the time of his suspension, he was performing functions that belong to an official who would have the power to order operations,” paliwanag ni Drilon. “Malinaw na siya ang nagbigay ng go-signal, na hindi niya dapat ginawa.” - Hannah L. Torregoza