Halatang galit ang mga kongresista na dating kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kay Pangulong Noynoy kaugnay ng palpak na operasyon ng PNP-SAF sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 SAF commandos. Kahit napatay nila si Marwan, dismayado pa rin ang buong Pilipinas, lalo na ang mga pamilya ng mga biktima, ang militar at pulisya, dahil sa dami ng namatay na SAF member sa kamay ng MILF at BIFF.
Tatlong matitinding katanungan ang ipinasasagot kay PNoy nina Reps. Ashley Acedillo at Gary Alejano (Magdalo Party-list); Leopoldo Bataoil ng Pangasinan; Romeo Acop ng Antipolo City; at Samuel Pagdilao (ACT-CIS, Party-list). 1. Kailan niya (PNoy) unang nalaman ang madugong bakbakan ng SAF at ng Moro rebels? 2. Ano ang kanyang ginawa nang malaman niya ang tungkol sa operasyon? 3. Ano ang nangyari matapos niyang iutos sa pulisya at militar na kumilos sa panahong nagigipit/napapatay ang mga SAF commando? Sinabi ng limang kongresista na dapat maging matapat ang Pangulo sa kanyang sarili at sa mga mamamayang Pilipino at ilahad ang nalalaman at pananagutan sa nakahihilakbot na pagkamatay ng kabataang mga miyembro ng PNP-SAF na nag-iwan ng lumuluhang biyuda, anak, nobya, at matatandang magulang.
Dismayado si ex-Tarlac Rep. Jose “Peping” Cojuangco Jr. sa pamangking Pangulo bunsod ng diumano ay mga kapalpakan na nangyayari ngayon sa bansa, laluna ang naganap na Mamasapano massacre. Inamin ni Cong. Peping sa interview kay Jessica Soho ng GMA na minsan lang niyang nakausap si PNoy sapul nang ito’y nahalal. Initsa-puwera rin daw sila kahit malaki ang naitulong nila noong panahon ng eleksiyon. Nais nilang tumulong ngayon pero binabalewala sila ni PNoy. “Lagi niyang sinasabing susundin ang gusto ng kanyang mga Boss, pero hindi naman siya nakikinig sa kanila,” pasaring ni Peping.
Isang pilyo at mapagbirong TV/radio anchor ang nagpapatugtog sa programa ng awiting “Anak” ni Freddie Aguilar, at ito raw ay tungkol kay PNoy. Kung buhay raw sina Tita Cory at Sen. Ninoy Aquino, baka ganito ang ihayag nila:”Anak, bakit ka nagkaganyan?”. Ibig sabihin, bakit ganito ang pamamahala ni PNoy sa bansa na pinagbuwisan nila ng buhay.