Higit pang pinaigting ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang Oplan Lambat-Sibat, isang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa kriminalidad, sa pakikipagpulong niya kamakailan sa mga opisyal ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) para sa kapayapaan at kaayusan sa Binondo, Maynila. 

“Tiningnan natin ang datos para makabuo ng deliberate, programmatic at sustained solution laban sa kriminalidad,” sinabi ni Roxas hinggil sa Oplan Lambat-Sibat na gumagamit ng sistemang crime data management at interpretasyon na nakatutulong sa pulisya sa estratehikong pagtatalaga ng mga pulis sa matataong lugar sa National Capital Region (NCR).

Sa naturang kampanya, nagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mabawasan ang karaniwang bilang ng krimen na nangyayari at iniuulat sa Metro Manila kumpara noong nakaraang taon.

Ayon sa record ng NCRPO, 446 na insidente ng robbery, theft, carnapping at motorcycle-napping ang iniulat nitong Pebrero 9-15, 2015 na malaki ang diperensiya sa lingguhang 919 na insidente ng mga krimen bago ipatupad ang Oplan Lambat-Sibat. Bukod dito, 230 katao na kabilang sa most wanted list ang nadakip sa paggamit ng “whole of PNP approach.”

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Mas marami tayong naaaresto at nababawasan ang krimen. Nagsimula ito sa mabuting cycle—mas nagtitiwala ang mga tao sa mga pulis at nagsisimula na silang magsumbong sa pulisya,” ani Roxas.

Idiniin din ni Roxas na sa diyalogo, naisasara ang kasunduan ng gobyerno sa mga komunidad bilang magkatuwang laban sa kriminalidad sa Metro Manila. 

Sinimulan ni Roxas ang Oplan Lambat-Sibat sa NCR at ipatutupad sa Region III (Central Luzon) sa unang linggo ng Marso at Region IV-A (Calabarzon) sa unang linggo ng Abril.