Umabot na sa mahigit na 400 atleta ang nakasama sa listahan ng pambansang delegasyon sa nalalapit paglahok nito sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Ito ang isiniwalat ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia matapos ang pakikipagpulong ng SEA Games Management Committee sa mga opisyales ng lalahok na 33 national sports associations.

“The NSAs, just now, are submitting supporting documents,” sabi ni Garcia. “Dati walang data, ngayon meron na. Matagal na namin sinabi sa mga NSAs na magpasa ng shortlist pero long list ang ipinasa kaya ngayon, eto na naman tayo manghuhula kung sino ang dapat na ipapadala,” paliwanag ni Garcia.

Sinabi ni Garcia na nais ng SEA Games management committee na maging “lenient” sa mga atleta subalit dapat naman itong malinaw na ipaliwanag ng kanilang mga namumunong opisyales at NSA’s kung bakit sila nararapat na makasama sa pambansang koponan.   

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Niliwanag rin ni Garcia na ang mga NSAs na magpupumilit na isama ang kanilang atleta na walang “performance justification” ay sila ang magbabayad sa partisipasyon, uniporme at lahat ng gastusin na ibabawas ng ahensiya sa itinakdang badyet para sa buong taon.

“Malinaw na ipinaliwanag na ito sa lahat ni Chief of Mission Julian Camacho na kapag ang isang NSA ay nagpilit ng atleta at ito ay tinanggap at ipinadala sa SEA Games pero hindi nanalo, ibabawas namin ang gastos ng atleta sa exposure o training budget ng NSA,” ani Garcia.

Taliwas ang paliwanag ni Garcia sa naunang pahayag na papayagan ang mga NSA na gumastos sa kanilang mga atleta para sa kanilang partisipasyon at ibabalik ang kanilang magagastos kung magwawagi ng anumang kulay ng medalya ang atleta.

Ikinadismaya rin ni Garcia ang pagmamadali ngayon ng mga NSA na makapagsumite ng kanilang hinihinging mga dokumento para sa kanilang isinumiteng kandidato para makapagpartisipa sa kada dalawang taong SEA Games lalo na na at malapit na ang itinakdang deadline na Marso 1.

Patuloy na tumatanggap ng atleta ang management committee bagaman sinabi ni Camacho na nasa 350 hanggang 400 lamang ang magiging bilang ng bubuo sa delegasyon ng Pilipinas.

Matatandaang huling natikman ng Pilipinas ang pinakamasaklap nitong pagtatapos sa SEA Games noong 2013 na isinasagawa sa Myanmar na ikapito sa pangkalahatan sa pag-uwi ng 29 ginto, 34 pilak at 38 tanso.