Hinimok ng Malacañang ang may nalalaman sa pakikialam ng Amerika sa pangyayari sa Mamasapano na huwag ibunyag ito sa media. Ibigay na lang daw niya ito sa Kongreso na nagsasagawa ng imbestigasyon. May kaugnayan ito sa lumabas na balita sa pahayagan na ang mga Kano, ayon sa opisyal ng SAF, ang nagmaniobra ng lahat mula umpisa hanggang sa matapos ang “Oplan Exodus” na ikinamatay ng SAF 44. Sila raw ang nagpondo ng operasyon kasama na rito ang paniniktik at pagsasanay sa mga pulis. Sinuhulan pa raw ng MILF para makalapit ang kukuha kay Marwan na may patong sa ulo ng anim na milyong dolyar.

Talagang gustong itago ng Malacañang ang isyung ito. Hindi lang ang Malacañang kundi maging ang senado. Publikong ginawa kasi ng senado ang nauna nitong pagdinig, pero nang lumalabas na ang partisipasyon ng Kano, sa executive session na inaalam ito ng mga senador. Initsapuwera nila ang taumbayan. At ito ang gustong mangyari ng Malacañang kaya hinimok nito ang SAF official na sa Kongreso niya ibubunyag ang kanyang nalalaman at huwag sa media.

Kung ako ang mga senador, yamang malinaw nang lumabas na sa publiko ang kamay ng Kano sa “Oplan Exodus”, bubuksan ko na sa mamamayan ang pagdinig ukol dito. Hindi ko na itatago pa ito sa executive sesson dahil wala na rin itong silbi. Sa harap ng taumbayan, bubusisiin ko ang mga detalye ng paghimasok ng Kano at ang naging papel ng mga pinuno natin. Ipinagkatiwala ba nila talaga sa Kano ang buong operasyon at ano ang kanialng ginawa para suportahan ito? Kung ang SAF official ang paniniwalaan, inilagay ng anila sa kamay ng Kano ang buong operasyon, pero kung sinuportahannila ang Kano, anong klaseng tulong ang inibigay nila rito? Kailangang isama ng mga senador at sino mang nag-iimbestiga sa Mamasapano incident ang taumbayan. Ipaalam nila sa kanila ang buong katotohanan. Napaglalangan ba sila kaya nasakripisyo ang 44 buhay ng ating mga pulis? Kung napaglalangan sila, aminin nila nang sa gayon maging malinaw na sa Pilipino na hindi mga kapwa nila ang kanilang kaaway. Ito ang magbibigay ng daan para sa ating pagkakaisa at pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa lalo na sa Mindanao.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte