SUBIC BAY, Freeport Zone- Kapwa napanatili ng San Sebastian College (SSC) at College of St. Benilde (CSB) ang kanilang titulo sa women’s at men’s division, ayon sa pagkakasunod, matapos mangibabaw sa kanilang mga nakalaban sa NCAA Season 90 beach volleyball tournament dito sa Boardwalk.

Pinataob ng back-to-back season MVP na si Grethcel Soltones at katambal na si Bea Camille Uy ang nanorpresang finalists na sina Charmille Belleza at Camille Lozada ng Emilio Aguinaldo College (EAC), 21-14, 21-17, upang makumpleto ang back-to-back championships at pantayan ang University of Perpetual Help bilang may pinakamaraming bilang ng kampeonato sa women’s division sa bilang na apat.

“Siguro po nakatulong ‘yung inenjoy lang namin ‘yung competition. At mabilis kaming nakapag-adjust sa isa’t isa ( Uy),” pahayag ni Soltones na nasa ikatlong taon na ng kursong Operation Management.

Bumawi naman sina season MVP Marjun Alingasa at kaparehang si Johnvic de Guzman sa naging kabiguan nila sa nakaraang indoor finals sa kamay ng EAC nang kanilang talunin ang Mapua tandem nina Philip Bagalay at Paul John Cuzon sa finals, 21-17, 27-29, 15-7.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

Dahil sa panalo, nakamit din ng Blazers duo ang asam na back-to-back championships at ang ikaanim na overall title nila sa liga na magkatulong na itinaguyod sa taong ito ng Summit Mineral Water, Smart, Gerry’s Grill, Hawk Bags, Pau Liniment, Victory Liner, Mikasa, LGR Athletic Wears, ACME Inc., Subic Bay Freeport Chamber of Commerce, Lighthouse Resort, Bayfront Hotel, Terrace Hotel, Subic Park Hotel at Villas Moonbay Marina.

Samantala, ibinigay naman ng tambalan nina Aljon Barbuco at Walt Gervacio ang ikatlong titulo ng EAC sa juniors division kasunod ng kanilang 22-20, 21-16 panalo sa finals kontra kina Ricky Marcos at Jody Margaux Severo ng University of Perpetual Help.