Malimit na nauunang umuwi sa bahay ang aking pamangkin si Diana pagkagaling niya sa eskuwela. Malimit ding sinasalubong niya ako sa gate pa lamang upang humalik sa aking pisngi at akuhin ang anumang bitbit ko papasok sa aming munting apartment. Kadalasan, tinutulungan niya akong magluto ng aming hapunan. Ngunit isang hapon, pag-uwi ko, walang sumalubong sa akin.
Aba, hindi yata namalayan ni Diana ang pagdating ko. Hanggang makapasok ako sa kusina, narinig ko ang tinig niya mula sa ikalawang palapag, “Hi, Auntie! Dito lang ako sa kuwarto ko, nag-aaral.” Nag-aaral pala siya para sa isang pagsusulit.
Nang nasa kalagitnaan na ako ng pagluluto ng aming hapunan, bumaba siyang bitbit ang kanyang notebook. “Uncle,” narinig kong sabi niya sa kanyang tiyo. “Heto ang notebook, kunwari ikaw ang examination paper. Tanungin mo po ako.” Matindi raw ang pagsusulit na kanyang kahaharapin kinabukasan kaya kailangang subukan niya ang kanyang sarili.
Sa puntong iyon, naalala ko ang sinabi ni San Pablo sa mga taga-Corinto na angkop sa ating lahat. Bilang paghahanda sa Hapunan ng Panginoon, kailangang subukan natin ang ating sarili. Ang bawat katiting na kasalanan, bawat pagkukulang sa pagmamamahal sa kapwa, bawat kapaitan ay kailangang ilantad at ihingi ng kapatawaran bago tayo dumulog sa Komunyon. Bakit? Dahil bilang mga tagasunod ni Jesus, kailangang magsulit tayo sa Diyos.
Paano ba nating susubukan ang ating sarili? Puwede nating simulan iyon sa pagtingin sa dalawang issue: Una, ipinahahayag at ginagawa ba natin ang ating pag-ibig sa Diyos at sa kapwa? At pangalawa, ginagawa ba natin ang lahat na kaaya-aya sa Diyos nang higit sa lahat?
Habang sinusubukan ni Diana ang kanyang sarili upang maging handa sa isang matinding pagsusulit, kailangang subukan din natin ang ating sarili upang makapasa sa pinakamatinding pagsusulit – ang pagtimbang ng Diyos sa ating buhay; at doon lamang tayo makasasalo sa Hapunan ng Panginoon at sambahin Siya nang may malinis na konsiyensiya.