May 81 araw na lamang ang nalalabi bago ang nakatakdang hosting ng 2015 Palarong Pambansa sa Davao del Norte, isinagawa ng lalawigan ang Sub-National Anti-Doping Conference sa tulong ng Philippines Sports Commission (PSC) at United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

Ayon kay Governor Rodolfo del Rosario, hangad nila na lalo pang maiangat ang integridad ng sports, partikular ang pinakamalaking school-based sporting event sa bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng patas na labanan at kulturang walang bahid ng ipinagbabawal na gamot sa student athletes.

Hindi umano nila hahayaan na masira ng ipinagbabawal na performance-enhancing substances ang Palaro na isang makapangyarihang event para palaganapin ang kapayapaan sa rehiyon.

“Never will we allow doping to directly challenge the fairness of the competition,” pahayag ni Del Rosario.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Mahigit sa 200 coach, trainors, medical doctors at nurses sa Davao Region ang dumalo sa event na unang ginanap sa Mindanao.

Ayon kay Dr. Alejandro Pineda Jr., ang Medical Director at Doping Control Head ng PSC, hangad ng nasabing conference na makapagbigay ng impormasyon hinggil sa anti-doping sa sports at ang pang-araw-araw na buhay ng sports stakeholders.

Target din nilang maituro sa mga kabataang atleta ang kahalagahan ng tunay at malinis na laban kasabay sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawan at pamumuhay.

Ayon pa kay Pineda, ang isang well-trained athlete ay maaaring manalo kahit hindi gumamit ng ipinagbabawal na gamot basta’t may tamang preparasyon at kumpiyansa sa pagsabak sa isang laban.

“Athletes do not need performance-boosting drugs provided that they were given proper endurance-building, as well as, physical training and conditioning,” paliwanag ni Pineda.