BACOLOD CITY– Mag-isang tinawid ni Marcelo Felipe ang tinaguriang killer lap sa Stage 2 ng Ronda Pilipinas 2015 na iprinisinta ng LBC upang agawin ang simbolikong overall jersey at ang King Of the Mountain sa tinahak na 152.6 kilometro na nagsimula sa Bacolod City Plaza at nagtapos sa Bacolod City Government Center.

Sinamantala ni Felipe, na nasa ika-18 puwesto matapos maiwanan ng 6 minuto at 12 segundo sa unang yugto, ang pagbabantayan ng mga nasa liderato upang agad na kunin ang nakatayang puntos sa intermediate sprint bago dumiresto sa solong pagkawala tungo sa unang akyatin para sa King of the Mountain sa ika-38 kilometro.

Unang sinungkit ni Felipe ang puntos sa unang KOM kasabay ang batang miyembro ng Philippine Team na si June Rey Navarra. Gayunman, unti-unti itong kumawala at itinala ang 1 minuto at 25 segundo kontra sa pumangalawa na si Navarra upang pamunuan ang yugto,

Mula dito ay hindi na binitawan ni Felipe, na miyembro ng 7-11 by Roadbike Philippines ang pagkapit sa unahan kung saan ay mag-isa itong bumagtas sa natitirang 100 kilometro na dumaan sa matarik na bulubundukin ng Don Benedicto at San Carlos tungo sa pagsungkit sa stage victory.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Itinala pa ni Marcelo ang pinakamalaking abanteng 14 minuto kontra sa overall leader na si Jaybop Pagnanawon na naiwanan sa peloton habang nagtangka rin ang 10 katao sa ikatlong grupo na binubuo nina Irish Valenzuela, Baler Ravina at ang magkapatid na Lapaza brothers na sina Cesar Jr. at nagtatanggol na si Reimon.

“Pinag-isipan po talaga namin ang gagawin,” sinabi ng 25-anyos na si Felipe. “Plano namin pagbalik aatake kaso pag-flag down pa lang ay may mga bumibigay na kaya inatake na namin,” sinabi ng tubong Llanera, Nueva Ecija rider na hinablot din ang kanyang unang lap victory sa karera.

Itinala ni Felipe ang kabuuang 5 oras, 2 minuto at 12 segundo upang iuwi ang halagang P25,000, bukod sa P6,000 nang kunin ang King of the Mountain title sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi. Kaakibat din sa karera ang Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio ang tumatayong media partners.

Pumangalawa ang kakampi nitong si Boots Ryan Cayubit na may isinumiteng 5:04.00 habang pumangatlo ang nagtatanggol na kampeon na si Reimon Lapaza ng Butuan na may 5:08.08 oras.

Bunga ng impresibong panalo ay inagaw ni Felipe ang red jersey kay Pagnanawon na simbolo ng pagiging overall leader, habang kinuha rin nito ang sprint at King of the Mountain leadership. Isinuot naman ni Valenzuela ang blue jersey (sprint) habang kay Baler Ravina napunta ang white polka dot na nagpapakilala bilang KOM.

Natira na lamang ang kabuuang 56 riders matapos na pitong katao ang hindi nakatapos sa unang yugto na siyang pinakamahabang ruta na 172.7 kilometro. Ang pito ay binubuo nina Arjay Kaul, Jimuel Flores, John Ian Leduna, Ireezbone Barrientos, Reymark Legasan, Dominador Garcia at Christian Cabonita.

Bagamat pasok na sa kampeonato ay sumabak pa rin si 2014 titlist at defending champion Reimon Lapaza upang giyahan at makasama ang nakababata nitong kapatid na si Cesar Lapaza Jr. na makuwalipika sa Cchampionship round na gaganapin sa Pebrero 22 hanggang 27.