Ipinagutso ng Sandiganbayan Fourth Division ang suspensiyon ng 90 araw laban kay Department of Tourism (DoT) Undersecretary Ma. Theresa Ilagan-Martinez na inakusahan ng nepotism, o pagtatalaga ng isang miyembro ng kanyang pamilya sa ahensiya.
Sa isang resolusyon na inilabas noong Lunes, ipinagbawal ng anti-graft court kay Martinez na ipagpatuloy ang kanyang mga tungkulin sa kanyang tanggapan sa DoT bunsod ng suspension order.
Bukod dito, hindi rin makatatanggap ng sahod, benepisyo at iba pang prebelihiyo si Martinez bilang DoT undersecretary at iba pang posisyon sa gobyerno na kanyang hinahawakan.
Inatasan din ng Fourth Division si Tourism Secretary Ramon Jimenez na ipatupad ang 90-day suspension order laban kay Martinez at ipaalaman sa korte ang hakbang na ipinatupad nito sa loob ng limang araw.
Si Martinez ay nahaharap sa kasong paglabag ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act base sa criminal case No. SB-12-CRM-0011.
Ito ay matapos italaga ng undersecretary ang kanyang kapatid na si Manuel Ilagan sa isang bakanteng posisyon sa DoT Overseas Field Office matapos ang isang screening process noong 1999 kung saan din nakibahagi ang suspendidong opisyal.
Ayon sa resolusyon na nilagdaan ni Fourth Division Chairman Jose Hernandez, at sina Associate Justice Alex Quiroz at Maria Cristina Cornejo, layunin ng suspension order ay upang hindi maimpluwensiyahan o ipitin ni Martinez ang mga testigo at maiwasan din ang tampering ng mga dokumento laban sa kanya.