Sa ikalawang sunod na taon, mapapanood ang mga aksiyon at matinding hatawan sa Ronda Pilipinas 2015, na handog ng LBC, sa pamamagitan ng pakikipagtambalan sa TV5 bilang official television partner.
Sinabi ni Moe Chulani, Ronda executive director, na ipakikita ng TV5 ang mga natapos na mga yugto, kabilang ang isasagawa sa Visayas at Luzon qualifying round, matapos makipagpulong kina TV5 Sports and Digital5 head Chot Reyes at Sports Manager Vitto Lazatin.
“Yes, TV5 is the official television partner of Ronda Pilipinas and it is our honor to have them on board for the second year in a row,” sabi ni Chulani.
Inihayag ni Chulani na isasaere ang mga tampok na padyakan sa Visayas qualifier, na gaganapin sa Pebrero 11-13 na magsisimula sa Dumaguete at magtatapos sa Cadiz, sa telebisyon sa Peb. 15 sa ganap na alas-11:45 ng gabi habang ang Luzon leg, na gaganapin simula sa Pebrero 16 at 17 sa Tarlac at Antipolo, ay ipalalabas sa Pebrero 18 sa ganap na alas-11:30 ng gabi.
Mapapanood naman ang highlight ng Stage 1 at 2 ng championship round sa mismong gabi matapos ng karera sa Pebrero 22 sa ganap na alas-11:45 ng gabi habang ang kaganapan sa huling anim na yugto simula Pebrero 23 hanggang 27 ay ipakikita sa ganap na alas-11:30 ng gabi.
Samantala, makakasama din ang government-owned na Sports Radio 918 na siyang mag-uulat ng pedal-by-pedal na pangyayari sa Ronda sa ikaapat na sunod na taon.
Ipakikita rin ang bawat aksiyon at ang mga eksaktong kaganapan ng Ronda sa Ronda Facebook page na https://www.facebook.com/RondaPilipinas, at Twitter account, @rondapilipinas.
“Whether it’s on TV, radio, newspapers and social media, the public will now have easy access to Ronda,” pahayag ni Chulani.
Sisikad ang Ronda sa pamamagitan ng tatlong yugto sa Visayas Qualifying Leg sa Pebrero 11-13 sa Negros island kung saan ay nakataya ang 54 silya (50 elite at 4 juniors) at didiretso sa dalawang yugto sa Luzon qualifying na nakatakda sa Pebrero 16 at 17 sa Tarlac at Antipolo City na nakalaan ang 34 silya (30 elite at 4 juniors).
Ang 88 siklista na makukuwalipika sa Visayas at Luzon ay makakasama ang nakaraang taon na kampeon na si Reimon Lapaza ng Butuan at maging ang siyam na kataong miyembro ng national team sa pangunguna ni Mark Lexer Galedo at ang dadayong European team sa Championship round na gaganapin sa Pebrero 22-27 sa Greenfield City sa Sta. Rosa at magtatapos sa ituktok na bahagi ng Baguio.