Ibinunyag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na apat ang namatay at isa ang nasugatan sa pagsaklolo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa militar nang makasagupa ng huli ang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sumisip, Basilan.

Ito ang nanaig sa kabila ng kinakaharap na isyu ng pakikipagsagupaan ng MILF sa Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), na ikinamatay ng 44 na commando nitong Enero 25, 2015 upang patunayang katuwang sila ng gobyerno sa paglaban sa Abu Sayyaf.

Ayon sa ulat ng 104th Infantry Brigade ng Philippine Army, sinaklolohan ng MILF ang kanilang mga kasamahan sa 64th Infantry Battalion nang mapalaban sa Abu Sayyaf sa Barangay Kaumpamatsakem sa Sumisip, Basilan.

Nabatid sa report na nakasagupa ng militar at MILF ang bandidong grupo, na pinamunuan nina Radzmil Janatul, alyas Khubayb; Juhaibel Alamsirul, alyas Abu Kik; at Pasil Bayali.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa tulong ng MILF, napilitan ang mga rebelde na tumakas patungo sa Bgy. Baiwas sa Sumisip.

Nasugatan sa nasabing sagupaan ang MILF fighter na si Sahid Liberal, na agad dinala sa Basilan Community Hospital, habang apat naman mula sa Abu Sayyaf ang nasawi.

Kaugnay nito, inihayag din ni Mohaqer Iqbal, chief peace negotiator ng MILF, na tutulong sila sa pagdakip kay Bassit Usman, ang bomb expert na kasamang tinugis sa pagsalakay ng PNP-SAF sa Mamasapano.

Sinabi ni Iqbal na sa pamamagitan ng umiiral na kasunduan ng gobyerno at ng MILF noon pang 2002, sa ilalim ng Ad Hoc Joint Action Group (Ahjag), ay kikilos ang kanilang grupo sa ikadarakip ni Usman at ang sinumang kriminal na magkakanlong sa kanilang kampo ay isusuko ng MILF sa gobyerno.

Nilinaw ni Iqbal na wala sa teritoryo ng MILF si Usman sa kasalukuyan.

Kaugnay nito, nagpahayag naman ng agam-agam ang ilang residente sa Maguindanao na maaaring maulit ang engkuwentro sa Mamasapano dahil hanggang ngayon ay malayang gumagala si Usman sa paligid ng Liguasan Marsh.