Labis ang pagdadalamhati ngayon ng ina ni PO3 Junrel Narvas Kibete, isa sa 44 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na napatay sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Bukod sa pagkamatay ni Junrel, hindi pa rin nakababangon ang kanyang pamilya mula sa pagpanaw ng ama ng kanilang tahanan nitong nakaraang taon.
Itinuturing ni Kagawad Leni Colinayo, 47, may-ari ng tinutuluyang bahay ng pamilya Kibete na isang “mabait na bata” at “magalang” ang napatay na pulis.
Bunso sa tatlong magkakapatid, si Junrel ang itinuturing na “Mama’s boy” sa kanilang pamilya at palagi itong nakikipagkuwentuhan kay Colinayo.
Ang obserbasyon ni Colinayo – tahimik subalit maaasahan si Junrel.
Nagmula aniya ang pamilya Kibete sa Negros at nagtungo sa Maynila upang makapag-aral ang bunso.
Unang nag-aalangan ang kapatid ni Junrel at dating asawa nito, na si Irene Gaelon, sa mga mamamahayag hanggang kinalaunan ay bumigay din ang huli.
May tatlong anak si Junrel at Irene na pawang mga babae na may edad 11 taong gulang, siyam at pito.
Naghiwalay ang dalawa halos pitong taon na ang nakararaan at paminsan-minsan ay nabibisita ni Junrel ang kanyang mga anak na nakatira kasama ang ina sa Cebu.
Ayon kay Irene, walang pagkakataon na pumalpak si Junrel sa pagpapadala ng pera para sa kanilang tatlong anak.
Nang tanungin kung mayroon sa kanilang tatlong anak na gustong mag-pulis, mabilis ang pagtugon ni Irene.
“Hindi ko sila papayagan!” Sa halip, nais ng tatlong dalagita na maging enhinyero.
Sa kalagitnaan ng panayam ng media sa burol sa Camp Bagong Diwa noong Martes, dumating ang isang tiyahin ni Junrel na humahagulgol habang takip ang mukha.
“Ayaw ko, ayaw ko siya makita,” ayon sa kaanak ni Junrel.