HOUSTON (AP)– Walang katiyakan ang pagbabalik ni Dwight Howard ng Houston Rockets makaraan nitong tumanggap ng ineksiyon sa kanyang kanang tuhod.
Sinabi ng koponan kahapon na si Howard ay binigyan ng bone marrow aspirate injection at agad na uumpisahan ang rehabilitasyon. Ayon sa koponan, siya ay sasailalim sa re-evaluation matapos ang may apat na linggo, ngunit hindi nagbigay ng takdang panahon para sa kanyang pagbabalik sa paglalaro.
Huling naglaro si Howard noong Enero 23 sa Phoenix, kung saan iniwan niya ang laro kontra sa Suns dahil sa sprained right ankle. Matapos nito ay ininda naman niya ang pamamaga sa kanang tuhod.
Nang siya ay mapinsala, si Howard ay pumangalawa sa Rockets sa scoring na may 16.7 puntos kada laro at pinangunahan ang koponan sa rebounds sa kanyang 11.2 kada laro.
Ang Rockets ay nagtala ng 3-3 (panalo-talo) rekord papasok sa huling laro nito laban sa Chicago kamakalawa.