Pebrero 4, 2006 nang mangyari ang stampede sa PhilSports Stadium sa Pasig City, na may kapasidad na 17,000. Aabot sa 30,000 katao ang pumila sa labas ng stadium upang mapanood at maging bahagi ng selebrasyon ng unang anibersaryo ng “Wowowee,” dating patok na TV game/variety show ng ABS-CBN. Nang mangyari ang stampede, umabot sa 71 katao ang namatay at mahigit 400 ang nasugatan.
Ang inaasahang selebrasyon ay naging isang bangungot matapos sumugod ang mga tao sa mga gate sa pagaakalang bukas na ang mga ito. Karamihan sa mga manonood na pumila sa labas ng stadium ay mahihirap kaya labis silang umasam sa ipagkakaloob ng nasabing programa. Matapos ang trahedya, nangako ang network ng Wowowee na magbibigay ng tulong pinansiyal sa mga biktima at sa mga naulila ng mga ito.