Sa pinakamahinang bahagi ng liderato ni Pangulong Noynoy sinamantala ng kalaban ng mamamayang Pilipino para gawin ang Mamasapano massacre. Nanaig ang personal niyang relasyon kay PNP Chief Purisima kaysa pagiging Pangulo ng bansa. Bakit nga ba hindi eh lumalabas na ang buong operasyon ng PNP-SAF para dakpin sina Basit Usman at Zulkifli Hir alyas Marwan sa bisa ng warrant of arrest ay inilagay niya sa ilalim ng pamamahala ni Purisima. Kaya, lumalabas din na ang Pangulo ay nasa likod nito. Dahil dito, ang Pangulo ang nakikita ngayon sa nangyaring massacre.

Idenaklarang “Day of Mourning” ang Enero 30 na kailangan natin bilang isang mamamayan. Iniluha natin ang nangyari sa 44 na sundalo nating nangabuwal sa pakikipaglaban. Baka pagluha natin eh luminaw ang ating mga mata upang makita kung sino talaga ang nagtulak sa kanila sa kamatayan.

Magsasara na sana ang kabanata ng ating kasaysaysan ukol sa paghahangad natin mabigyan pa ng pagkakataon ang kapayapaan na mangibabaw sa ating bansa at tayong mga Pilipino ay mapag-isa na bilang isang mamamayan. Pinili ng ating mga lider na lumikha ng bagong rehiyon ng Bangsamoro sa Mindanao ayon sa layuning ito. Katunayan nga, nasa kongreso na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at dinidinig na ito upang maalis ang anumang probisyon nito na lalabag sa Saligang Batas para mapairal na ito nang maganap ang massacre. Sinuspinde ni Sen. Bongbong Marcos ang pagdinig para sa komprehensibong imbestigasyon sa nangyaring trahedya para kung maipasa man ang BBL ay hindi na mauulit ito. Kung ito ang layunin marahil higit na may batayan ang kahilingan ni Amirah Ladasan ng Suara Bangsamoro na isama sa imbestigasyon ang naiulat na naroroon ang tropa ng mga Kano sa lugar ng insidente. Lagi kasi silang nakikita sa magulong lugar at pagkatapos ng madugong operasyon. Ang palaging naroroon aniya ang US troops sa mga magulong lugar ay ikinokondisyon ang isipan natin sa pangangailangan sa kanilang tulong. Hindi natin nakikita, wika niya, na ang patuloy na pagiging masunurin ng ating gobyerno sa pandaigdigang pakikidigma ng US laban sa terorismo ay nagbubunsod sa ating militar at pulisya na gumawa ng operasyon batay sa maling impormasyon.

Patagusin natin ang ating paningin upang hindi lang si Pangulong Noynoy at Gen. Purisima ang nakikita natin sa likod ng massacre. Itanong natin sa ating sarili: Sino ang nagpapairal sa ating bansa ng “Divide and Rule” para sa kanilang pansariling interes?
National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'