Upang makapaghanda na ang mga batang atleta na nagnanais maging bahagi ng pambansang koponan, itinakda na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga buwan kung kailan isasagawa ang grassroots program na Batang Pinoy at ang torneo para sa mahuhusay na atleta ng Philippine National Games (PNG).  

Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na unang isasagawa ang may bagong format na 2015 PNG na tampok ang mga pambansang atleta bago sundan ng torneo para sa mga kabataan edad 15-anyos pababa na Batang Pinoy.  

Unang isasagawa ang PNG na gaganapin ang National Capital Region leg sa Marikina City sa Hulyo 1 hanggang 7 na susundan ng Northern Luzon qualifying leg sa Pangasinan sa Agosto 10 hanggang 16. Agad itong susundan ng Southern Luzon sa Camarines Sur sa Agosto 30 hanggang Setyembre 5.

Isasagawa ang Visayas qualifying leg sa Iloilo sa Oktubre 12 hanggang 17 bago ang Mindanao leg sa Zamboanga sa Nobyembre 8 hanggang 14. Gaganapin naman ang PNG National Championship sa unang buwan ng 2016.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang apat na yugtong Batang Pinoy ay bubuksan ng Luzon qualifying leg sa Marilao,Bulacan sa Hulyo 24 hanggang 27 na susundan ng Visayas leg sa Antique, Antique sa Setyembre 25 hanggang 28 at panghuli ang Mindanao leg na paglalabanan sa City of Koronadal sa Oktubre 28 hanggang 31.

Magsasama-sama ang magkuku-walipika na magwawagi ng mga ginto at medalyang pilak sa National Finals na gaganapin naman sa tinaguriang Queen City of the South na Cebu sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 2.

Ipinaliwanag ni Garcia na mananatiling required ang mga pambansang atleta na lumahok sa PNG na kung saan ay inaasahang makakadiskubre ng mga baguhang atleta matapos salain ang mga kalahok sa pagsasagawa ng apat na qualifying leg.

“Hindi na basta-basta na lamang ang mga kalahok sa PNG dahil iyong mga mahuhusay na atleta na lamang ang makakasali sa national finals. Makakalaban nila ang mga miyembro ng national team kaya inaasahan natin na magiging best of the best ang 2016 PNG,” sabi ni Garcia.