Wala pa sa isip ng Malacañang sa ngayon ang posibilidad na magkaloob ng amnestiya sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sangkot sa engkuwentro sa Maguindanao sa bisa ng kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno sa nasabing grupo.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na nakatutok ngayon ang gobyerno sa pagsusulong ng katotohanan at paghahanap ng hustisya sa sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), sa pamamagitan ng patas at masusing imbestigasyon ng PNP board of inquiry.

Sa panayam sa isang government radio, tiniyak ni Coloma na titipunin ng awtoridad ang mga ebidensiya at testimonya mula sa mga saksi upang maisiwalat ang katotohanan at masigurong matibay ang kasong isasampa laban sa mga responsable sa massacre.

“Mahalaga muna ‘yung malaman ang katotohanan, mahalaga na matiyak muna kung sino ang mga responsable, at magkakaroon naman ng proseso ng pagsisiyasat, prosekusyon, at paglilitis kapag sila ay nasampahan na ng mga demanda sa hukuman,” sinabi ni Coloma nang tanungin kung hindi ba magkakaloob ang gobyerno ng amnestiya o pagpapatawad sa mga rebeldeng pumatay sa 44 na kasapi ng SAF.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Sa gitna ng patuloy na pagluluksa ng bansa para sa mga napatay sa engkuwentro ng SAF at mga miyembro ng MILF, napaulat na inamin ng chief government peace negotiator na si Miriam Coronel-Ferrer na ang amnestiya at pagpapatawad ay bahagi ng kasunduang pangkapayapaan na nilagdaan noong Marso 2014. Gayunman, itinanggi ni Ferrer ang mga espekulasyon na ito ay isang blanket amnesty, iginiit na may ilang dapat ikonsidera sa pagpapatupad ng nasabing probisyon.

Noong nakaraang taon, sinabi ng mga opisyal ng gobyerno na sasaklawin lang ng amnesty program ang mga kasong may kinalaman sa pagrerebelde ng mga kasapi ng MILF. Layunin ng pinaplanong amnestiya, na kailangan pang aprubahan ng Kongreso, na paghilumin ang mga sugat ng digmaan at ibalik sa normal ang buhay ng mga kasapi ng MILF.

Samantala, wala namang nakikitang masama ang Palasyo sa mga imbestigasyong isinasagawa ng iba’t ibang organisasyon sa engkuwentro sa Maguindanao dahil lahat naman umano ng mga ito ay layuning magsiwalat ng katotohanan.

Bukod sa PNP board of inquiry, nagtatag din ang MILF ng special body na magsasagawa ng sariling pagsisiyasat sa insidente. May hiwalay na imbestigasyon din ang Senado at ang Commission on Human Rights.

Sinabi pa ni Coloma na maging ang International Monitoring Team at ang Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities ay plano ring magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon sa insidente.