Agad na bubuuin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang men’s at women’s national team na isasabak sa 28th Southeast Asian Games at Under 23 matapos na tuluyang lusawin ang dating Philippine Volleyball Federation (PVF) at mga kaanib nito. 

Ito ay matapos ipormalisa ang pagkilala sa bagong tatag na Larong Volleyball sa Pilipinas (LVP) na inatasan umano ng internasyonal na asosasyon na Federation International des Volleybal upang siyang mamahala sa dating pinag-aagawang samahan sa volleyball sa bansa.  

Isang liham na galing kay FIVB president Ary Graca ang nagbigay awtoridad bagamat provisionary recognition pa lamang sa LVP bilang bagong asosasyon kung saan ay inaasahan ng pederasyon na magkaroon agad ng eleksiyon para sa uupong mga opisyal bago lumipas ang Pebrero 15.  

“I hereby grant provisionary recognition to Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. as the new volleyball federation of the Philippines under the umbrella of the POC,” nakasaad sa sulat ni Graca na iprinisinta mismo ni POC President Jose Cojuangco Jr.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Agad din inihayag ng POC ang pag-alis ng FIVB sa talaan ng mga miyembro ng PVF na nito lamang nakaraang Linggo ay nagsagawa ng halalan.

Itinalaga sina POC first Vice Pre­sident Joey Romasanta, kasama sina POC second VP Jeff Tamayo, POC legal counsel Ramon Malinao, Shakey’s V-League president Ricky Palou at POC consultant Chippy Espiritu, bilang incorporators kung saan ay inaasahang iuupo si Romasanta bilang pangulo ng bagong samahan.  

“We are calling all players to play and represent the country. We are all professionals here and let us look forward. Everybody is welcome to play for us and be part of the national team,” sinabi ni Romasanta.  

Pangunahing pagtutuunan ng LVP ang nalalapit na Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Under 23 Women’s Volleyball Championships kung saan ay 12 bansa na ang nagkumpirma ng kanilang partisipasyon sa torneo sa Mayo 1 hanggang 9 at ang paglahok sa SEA Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.